Pinangunahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang dalawang-araw na konsultasyon tungkol sa pagsusuri ng implementasyon ng National Sardines Management Plan (NSMP) 2020-2025 noong Oktubre 22–23, 2025 sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Ang NSMP ang nagsisilbing pangunahing balangkas na gumagabay sa likas-kaya, makatarungan, at siyentipikong pamamahala ng yamang-sardinas sa buong bansa.
Kasama sa konsultasyong ito ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, pribadong sektor, akademya, at industriya ng sardinas mula sa iba’t ibang Fisheries Management Areas (FMA). Sama-sama nilang sinuri ang mga naging tagumpay, aral, at hamong kinaharap sa pagpapatupad ng Plano sa nakalipas na limang taon.
Bilang bahagi ng gawain, isinagawa ang mga breakout session na nakatuon sa tatlong pangunahing layunin ng Plano — Ecological, Socio-Economic, at Governance Goals — upang masusing tukuyin ang mga paraang matagumpay na naisagawa bilang tugon sa mga isyung may kaugnayan sa kalagayang pang-ekolohiya, kabuhayan ng mga mangingisda, at pamamahalang nakabatay sa agham.
Sa pamamagitan ng sama-samang deliberasyon, pinagtibay ang mga layunin at mithiin ng NSMP at natukoy ang mga bagong hakbangin para sa susunod na yugto ng implementasyon sa taong 2026-2030.
Tiniyak ng isinagawang pagsusuri na ang mabubuong bagong Plano ay mananatiling tumutugon sa kasalukuyang mga pangangailangan at hamon tulad ng climate change, habang isinusulong ang progresibo at likas-kayang pag-unlad para sa kasalukuyan at mga susunod pang henerasyon.


















Comments are closed for this post.